Naroon (para kay kian delos santos)
Naroon ka ba noong gabing 'yun?
Sumagot ka!
Sabi ko,
naroon ka ba noong gabing 'yun?
Mayroong binatilyong duguan, na pinapaligiran ng mga mamang naka-armas.
Naroon ka ba?
Noong ang binatilyong duguan ay sinigawan ng mga mamang naka-armas.
Naroon ka ba?
Noong ang binatilyong duguan ay... naging duguan.
Naroon ka ba?
Nakikita ko na:
Kalye, na kasing dilim ng kanyang kinabukasan.
Dugo, na kasing pula ng kanyang pagod na mga mata.
Hustisya -
Iyon lang ang hindi ko makita.
"Tama na po! May test pa ako bukas!"
"Bakit ka nasa labas nun?"
"Bakit wala ka sa bahay?"
"Bakit hindi ka nag-aaral?"
"Bakit may dala kang droga?"
"Bakit ka mahirap?"
"Bakit ka nagtratrabaho?"
"Bakit ka nabibintangan kahit na ikaw ang biktima?"
Bakit. Bakit. Bakit, Pilipinas?
"Paano ka nakakuha ng droga?"
"Paano ka tumakbo?"
"Paano ka nanlaban?"
"Paano ka namatay?"
"Paano ka nabiktima?"
"Paano ka nadamay?"
Paano. Paano. Paano, Pilipinas?
Paano tayo nakarating dito?
Naroon ka ba?
Kasi lahat tayo naroon!
Lahat tayo naroon, noong hindi tayo nagsalita.
Lahat tayo naroon, noong wala tayong ginawa.
Noong hindi ka nagalit.
Noong hindi ka nalungkot.
Noong hindi ka nanlamig sa takot.
Kaya mo pa ba?
Kaya mo pang lumaban?
Kaya mo pang itaguyod ang iyong bayan?
Pwede kang magalit.
Pwede kang malungkot.
Pwede ka ring manlamig sa takot.
Pero hindi tayo susuko, hangga't walang hustisya.
Hangga't kinakatakutan pa rin ang pulisya.
Tumayo ka, kabayan.
Magpakatatag ka.
Para hanggang dulo
ay naroon ka.