Bangungot (a poem written in Filipino)
langit, lupa
Inay, Itay, lalabas muna po ako,
Makikipagkita sa aking mga kalaro.
Opo, mag-iingat po ako,
Hindi ako gaanong lalayo.
Bakit may mga sundalo rito?
Bakit niya tayo pinapauwi?
Teka saglit! Huwag po!
Maawa po kayo!
Inay! Itay!
Ang kaibigan ko po, pinatay!
Inay, nasaan si Itay?
Inay!
impyerno
Malakas
na katok at pagsira sa pinto;
na sigaw ng aming mag-ina;
na kapit sa aming
binti,
bisig,
mata, at
bibig.
Itay, nasaan na po kayo?
Tulungan n'yo po kami rito
Bumalik na po kayo rito
Ang gusto ko lang po'y maglaro.
Inay, Itay,
Sabi ko pa naman magiging sundalo ako, tiwala.
Ngunit ganito ba ang ginagawa ng isang sundalo?
Ako'y
binaboy,
sinaktan,
kinuryente, at
pinaglaruan,
isang batang tunay na hindi pinagpala.
saksak puso, tulo ang dugo
Ang buhay ay isang munting laro
May namamatay, may nabubuhay
Ngunit sana, sa mga manikang pinaglaruan
Ay kaya nating ibalik ang kanilang dating kinabukasan.