ngayon (minamahal kita)
Narito ka. Narito ka muli. Narito ka pa hangga’t sa may oras pa tayo. Aalis.
Aalis ka pa ba?
Nariyan ka sa aking harapan, nakaupo, inaantok. Ang hininga mo’y bumagal, humina, ngunit rinig na rinig sa dilim na pumapaligid sa atin. Sa sandaling ito, alam ko, sinta, napakaswerte kong makasama ka. Sobra, sobra, mahal, at mapagpasalamat akong narito ka.
Nakatingin ka lang sa akin, at ako sa iyo, at wala na tayong kailangang iba. Sa katotohana’y, gustong gusto kong haranahan ka, ngunit walang silbi ang gitarang naghihintay sa ilalim ng aking mga braso, sapagkat hindi ko alam kung paano itugtog ang gusto kong itugtog para sa iyo.
Pero hindi iyon sapat. Bakit pa ako magpapatigil? Bakit ngayon, ngayong narito ka at nasa atin ang lahat ng oras sa mundo, at nakatingin ka sa akin nang ganyan. Huminga ako nang malalim, at nang walang iniisip, nagsimulang kumanta.
“Huwag kang matakot,” nanlaki ang iyong mga mata sa aking boses. Mahina man ito, napakalakas niya sa ganitong oras, ganitong lugar. Ngayong may oportunidad akong tignan at mahalin ka, alam kong dapat ko itong magawa. “’Di mo ba alam, nandito lang ako, sa iyong tabi.”
Napangiti ka, nakikinig habang tinuloy ko ang kanta.
“’Di kita pababayaan kailanman. At kung ikaw ay mahulog sa bangin, ay sasaluhin kita.”
Sa sandaling iyon, sinta, hindi mo lang alam, pero malapit nang sumabog ang puso ko; sapagkat mahal na mahal kita at napakaswerte kong makantahan ka ng mga salitang alam kong totoo.
“Huwag kang matakot na matulog mag-isa,” lumaki pa lalo ang ngiti sa mukha mo, “kasama mo naman ako.”
Lumakas ang hangin at kinailangan mong ayusin ang buhok mong lumipad sa mukha mo, at napatigil ako para tumawa, at sobrang saya, mahal, sobrang saya. Hindi mo lang alam.
“Huwag kang matakot na umibig at lumuha,” tinuloy ko, at nakinig ka, nakatingin, nakangiti, “kasama mo naman ako. Huwag kang matakot, ahhh…”
Hindi ko na tinuloy. Hinayaan ko ang huling nota na humaba at dalhin ng hangin papalipad sa ere dahil ang importante’y narito na sa harapan ko na. Dahil wala na akong ibang kailangan pang sabihin, kantahin, tugtugin. Dahil wala na yatang paraan na makakapagpakita kung gaano kitang kamahal maliban pa man sa kung gaano kaliwanag ng mga ningning sa aking mga mata habang nakatingin sa iyo, dahil ikaw lang ang ninanais ko.
Lumipas ang gabi na puno ng mga bulong, at sikreto, at katotohonan, at damdamin. Lumipas ito nang buo ang aking loob at puno ang aking puso – lumipas nang may ilan pang kanta, ang iba may gitara, ang iba wala, ngunit bawat isa ay sinigurado mong sabihing nagustuhan mo.
Gusto kita. Mahal kita.