12. Labi ng Dalawa.
Sa totoo lang, hindi ko pa rin alam ang dapat maramdaman sa tuwing nakikita ka. Pilit kong tinatanggal sa isip na gusto kita, kasi mali. Pero isang hibla lang naman iyon ng aking puso. Madaling kalimutan, pero hindi madaling matanggal. Ngayon, alam ko namang hanggang dito lang talaga tayo. Isang taon na ang nakalipas, kaya naman siguro naiintindihan ko na. Nais ko na lang sanang bumitaw sa pagkakakapit. Ngunit ang mga kamay ko ay may sariling buhay. Sila na mismo ang lumalaban. Ayos lang naman sa akin, hindi naman ako apektado kapag sila ay nasasaktan. Gusto ko na lang ialay itong mensahe na ito sa iyo. Labindalawa, parang bilang ng buwan sa isang taon. Gusto ko lang na may pagtatapos, kaya ito na nga tinatapos ko na. Marami na ring dumating sa buhay ko, pero ikaw yata ang pinakamasayang nakasama ko. Sabi ko nga, salamat. Wala naman ako sinabing puputulin ko na, pero baka lang maputol kaya inihahanda ko na lang din ang sarili ko. Ito na.
Pinakamaalala ko ang iyong mga labi
Hindi lang dahil sa mga simple nitong ngiti
Pero dahil na rin sa iyong mga sinasabi
Kahit hindi ko man makita dahil sa linyang humahati
Iba ang pakiramdam ng pandemya
Gusto ko lang na may kasama
Ang mga labi mo ay masilayan, gusto ko na
Una kong gagawin ay yayakapin ka
Ipapaalam ko na rin na may dalawang klase
Ang mga labi na lumalaban umikot man sa ehe
At ang mga nagpapatahimik, pampalutang sa ere
’Yung una lang ang naranasan ko sa iyo, kaya naman eh
Nasabi mong marunong kang makiramdam, paano
Naging taas-taasan ka parang ehekutibo
Minsan naguusap tayo tungkol sa ehersisyo
Nagpapatahimik lang ang may pero
Sampu
Dalawampu
Tatlumpu
Apatnapu
Limampu
Sa totoo lang, wala na akong maisip. Ayun lang naman ang gusto kong sabihin. Sa susunod na araw, linggo, buwan, taon, hindi ko na alam. Maghihintay na lang ako ng tutupad ng mga pangarap ko. Kung meron man.