15. Passe
be my awakening
Hindi ko alam kung paanong ikaw ang nagustuhan ko, alam kong may paninira kang ginawa sa akin. Ano nga ba ang pinagbatayan ko noon? Nalapit ako sa iyo, kahit may kapalit na sakit. Bakit ko iyon tiniis? Tanga ba ako? Anong kinain ko para makabuo ng desisyon na may kasamang paghihirap? Mabuti na lang ako ay umalis na.
cause of my suffering
Noong una, hindi ko naman sineseryoso. Kahit ngayon pa rin naman, kapag inaalala ko, wala talaga akong malinaw na intensyon. Pero, naramdaman ko na kailangan kitang kasama. Hindi ko alam kung bakit, pero kapag may gusto akong mangyari ay dapat mangyari. Sa huli, ako lang mag-isa. Sayang lang pala kasi malayo ka rin.
like what is happening
Masasabi ko bang nagbago buhay ko dito simula nang pumasok ako? Parang hindi naman. May pumukaw lang sa akin na nasa iyo, pero wala na iyon ngayon. Mabilis talaga ako magsawa. Tinigilan ko na agad kasi alam kong walang patutunguhan. Kaya naman hindi ako nasaktan ng isang tao. Napakatalino ko talagang tao, ano?
just experimenting
At nasaktan na nga. Sobrang bobo lang kung iisipin, bakit ko dinamdam? Sa tingin ko ba dati ay iyon na ang pinakaimportanteng bagay na mangyayari sa akin?Ang daming nawala, bakit ko hinayaan maganap iyon? Pero ayos lang ako, isang parte lang naman, pero sa kabuuan ay maayos ako? Tatanggapin ko ba na maayos ako?
really accepting
Ang babaw pero doon kita nagustuhan? Napakabilis naman ng pagbuo ng mga damdamin ko para sa iyo. Patay, bukas, ang pakikisama natin sa isa’t-isa. Masaya ako na nagbago ka na, hiling ko na lang para sa iyo ay mahanap mo ang gusto mo. Sabi ko nga, titingnan kita hanggang mainggit ako. Ganoon talaga, tiis-tiis lang.
good thing
Ikaw na, huli ka na yata. Wala na yatang susunod, kung magkikita-kita pa tayo ay baka mayroon. Komportable, para akong hinehele. Kaya napapaisip ako, ano ba talagang gusto ko sa iyo? Sa ngayon, gusto ko kapag may natatamasa ka sa buhay. Salamat, kasi patuloy mo akong tinatanggap. Magpahinga ka muna, hihintayin kita.
charles
Ngayong binabasa ko lahat, wala akong malinaw na direksyon sa pag-ibig. Ginagawa ko lang pampalipas-oras, pampagana. Masaya na ako sa kumpanya ko, pero sana, isang beses sa isang taon, may dadating na gugulo ng buhay ko, para naman may alaalang maiiwan kapag nalalapit na ang media noche. Sino na kaya ang susunod?