Ang init sa Rizal.
Ang init sa Rizal ay init probinsiya.
Init na anytime pwede kang kumain ng mangga.
Init na pwede kang maglatag sa ilalim ng puno at mamahinga.
Init na para kang malambot na pandesal na bagong luto sa umaga.
Ang init sa Rizal ay init probinsiya.
Init na amoy fabcon na umaagos sa kalsada galing sa kapitbahay niyong naglalaba.
Init ng mga sinampay na nakadantay sa mga alambre habang niluluto ng araw.
Init na anytime pwede mong pikitan, idlipan, salingan.
Ang init sa Rizal ay init na tahimik, hindi galit, hindi namamaso;
init na hindi nanunundo pa-impyerno.
Ang init sa Rizal ay pwede mong saluhan ng malamig na halo-halo, kahit na peke ang ube nito.
Ang init sa Rizal ay ang init na hahanapin ko, kahit ibang init na ang pumapaso sa balat ko.
Ang init sa Rizal ay ang init na babalikan ko.
. —agn